Letra
June 1, 2008Nauubliga akong magtipa at magtipa ng letra. Dahil napupuspos pa rin ako ng pagtitiwalang, ang mga letra ay aking kakampi, kakwentuhan at kaibigan.
Hindi mo maikakailang naranasan mo nang masaktan dahil naramdaman mong waring hindi ka umiiral sa mundo. Naranasan mo rin minsan na maging malungkot at magkubkob sa isang sulok tangan ang kabagutan at takot na iyong nadarama.
T ipa ako ng tipa, tipa ako ng tipa, dahil naniniwala ako na ang mga letra ay buhay. Nananalig ako na ang mga letra ay buhay, nagiging bahagi ng AKO, nagiging AKO, nagiging AKO.
Tipa ako ng tipa, dahil sa mga letra naibubuhos ko ang damdaming sumisilakbo sa aking kaluluwa. Mga mumunting titik na kung pagsasama samahin ay lilikha ng bulong, mga tinig, at mga himig ko na hindi ko maibulalas. Mga salitang tanging naikukubli ko lamang sa hinimay himay na pariralang impit, humihibik.
Mga kaibigan ko na sila mula pa nang una. Lalong naging kaibigan ko sa mga panahong ako’y nag iisa. Mga kaibigan kong walang naikukubli sa akin, sapagkat sila’y aking likha, sapagkat sila ay AKO, sapagkat sila ang AKO.
Mga likha lamang sila, datapuwat umuukilkil sa aking puso. Mga pintig ng aligatang damdamin kong hapo sa nakahihilo, nakalulumbay at mapang alipustang tinuturing turingan. Sila ang mga tunay na kaibigan. mga letra kong naging AKO, mga letra kong naging aking MUNDO.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.
Add a comment


