Pagtawid
May 30, 2008Isa sa mga pinaka paborito kong experience ay ang pagtawid sa pedestrian lane tuwing umaga. Nakatutuwang pagmasdan ang mga taong tumatawid, iba’t ibang uri, iba’t ibang pinanggalingan. Malalaki, maliliit, lahat ay sabay sabay na humahakbang sa gitna ng kalsada upang makatawid. Makarating sa kanilang paroroonan.
Marami sa atin ang nakararanas nito. Malamang, lalo na kung wala kang wheels. Araw-araw, marami tayong tinatawid, marami tayong nilalampasan, marami tayong nakakasalubong.
kahit na hindi pa ako ganoon katanda sa edad, marami na rin akong mga nakaharap, nakasama at nakasalumuha sa buhay. Hindi man ganun karami, pero alam kong marami.
Iba’t ibang ugali, iba’t ibang pananaw at paniniwala sa buhay.
Maraming makulit, lalo na’t mga kakontemporaryo ko ang karamihan sa mga nakapaligid sa akin. Sa pag tawid, marami kang makakasabay, sa kaliwa at kanan man, sa likuran o sa harap mo man, naliligiran ka ng mga taong kasabay mong tumatawid. Mga kagaya mong naghihintay ng hudyat sa tamang pagtawid, naghihintay ng tamang panahon upang sa paglikha ng desisyon ay hindi malisya at hindi maging sanhi ng kapahamakan.
At kung mangyari nang makarating ka sa kabilang bahagi ng lansangan, muling haharurot na ang mga sasakyan. Muli nang tatakbo ang magulo at masalimuot na mundo ng mga naglalakihang behikulo. at sa ganoong mga pagkakataon, naroon kang muli, nakatanaw, pinanunuod ang mga sasakyang nagsasalimbayan, mga bagay na gumugulo, nagpapalito, at nagdudulot ng pagkapagal ng iyong marupok na katawan.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.
Add a comment




